Monday, June 28, 2010

roel cortez-best



Oi man. Noong huwebes ng gabi nadukutan ako ng cellphone. Pauwi ako noon galing sa trabaho sakay ng isang karag na bus. Nang ako’y pababa na sa may Rotonda, may mamang naka jacket na itim ang bumangga sa kin at nakipag-unahan sa pinto. Pinagbigyan ko sya at sumunod na bumaba pagkatapos nya. Paghakbang ko pa lang sa kalye e namalayan ko nang gumaan ang bulsa ko. Nakaramdam ako ng sobrang pagod sa totoo lang. Pagod din talaga ako noon sa trabaho.Wala akong nagawa kundi umuwi ng lulugo-lugo at mapabilang sa talaan ng National Statistics Office na bektema ng agaw-cellphone. (Wag mageng bektema!). Sa totoo lang din, di naman ako masyadong nanghinayang dun dahil medyo may kalumaan na yung unit at mahirap magtext dahil ang daming checheburetche at may problema na rin ang keypad. Dagdag mo pa dun na sa kapatid ko talaga ang cellphone na yun. Ayos. Nalungkot lang ako kasi nawala na yung mga numbers ng mga friendly friends ko na nakuha ko Linktv. Pano na ko makikipag-eyebol nyan? Hay.

Nang pauwi nako, nagmuni-muni ako kung paano ko ipagtatapat sa pamilya ko ang lahat. (naks). Naisip ko na lagyan ng kung anu-anong palabok ni Carlo J. Caparas ang kwento. Sasabihin ko na may humarang sakin na dalawang lalaki na sinlaki ni Derek Ramsey (pero di sing gwapo) at tinutukan ako ng beinte-nuwebe, nanlaban ako at nakipagbasagan ng mukha sa gitna ng edsa at napatumba ko sila,at dumating ang mga pulis Pasay at dinapot sila habang ang mga taong nagtitinda ng kwek-kwek at palamig ay nagpapalakpakan at ang mga kababaihang nag-aabang ng kostumer sa tapat Rotonda Lodge ay isa-isang hinimatay sa kilig, at nang may pulubing nagsabit sakin ng sampaguita at bumulong na wala daw silang pamasahe pauwing Calumpang ay kinaawaan ko kaya binigay ko ang aking cellphone upang kanilang maisanla. Ang dami ko pang naisip na kwento na mas exciting at bonggacious para mapagtakpan ang tutoong nangyari.

Pagdating ko sa bahay, iba ang eksena na nadatnan ko. Ang nanay ko e kinulit ako na kunin yung itak na naiwan sa dati naming tinitirhan (bagong lipat po kami) dahil maganda daw yun pambiyak ng nyog at galing pa yon sa lolo ko blah, blah, blah e sa totoo lang e kalawangin na yun at wala ng hawakan. Pagpasok ko sa kwarto e nadatnan ko ang kapatid kong me ari ng cellphone na minumura yung computer dahil ayaw gumana yung webcam na ini-install nya. Naisip ko tuloy na walang makikiramay sa pagdadalamhati ko. Walang yayakap sa kin at kukusutin ang buhok ko at sasabihing “there,there, it’s alright” , wala ring magtitimpla ng Sarsi na may itlog para gumaan ang pakiramdam ko at makatulog, magkukumot sa akin at papatay ng ilaw? Hay.

Kung ang buhay ay isang pelikula, di ka rin pala nakakasiguro na ikaw ang bida. Baka isa ka lang extra, parang yung isa sa mga hapon na pinapaulanan ng bala ni Da King na mapapansin mo sa susunod na eksena na bumagon para paulanan uli ng bala. Malay mo yung nandukot ng cellphone ko ang bida? Na kaya nya lang nagawa yun e para makabili ng gamot para sa kanyang nanay na may sakit, maibili ng wheelchair ang kapatid nyang nalumpo dahil naputukan ng plapla o kaya para pantustos sa kanyang pag-aaral ng abogasya para makaahon sila sa hirap at matupad ang pangarap nyang maging congressman at makatulong sa bayan? O kaya naman nandun sya ngayon sa beerhaus kasama ng tropa umiinom at me ka-table pa habang binibida kung paano nya naisahan yung isang gwapong lalaking medyo hawig ni Piolo pag di nag-ahit? O kaya rin naman e ginawa nya yun para kahit paano e mabuhay ng payak at maitawid ang pang-araw araw na pangangailangan? Hay ulit.

Naalala ko tuloy bigla si Roel Cortez. (hanep sa segue way!) Sa biglang dinig, napaka generic na pangalan para sa isang singer na patok ang mga awit. Unang reaksyon: Sino ba yun? Kaklase ba natin yun nung haiskul? Yun ba yung nasa row 2 katabi ni Brother Britennia, yung kaklase nating born again? Kapatid ba yun ni Rez? Sana man lang naisip nila na Bubble o Misalucha ang gamitin para me dating. Ang totoo nyan, mas marami satin ang nakakaalam ng kanta nya kesa sa pangalan nya. Di rin makatulong ang internet sa pagdagdag ng kaalam tungkol sa kanya, bagamat marami ring site ang nagbabanggit o nagpapatugtog ng kanta nya. Kaya wala rin akong masabing konkretong facts ukol sa kanyang pagkatao. Dinaig nya pa si Mystery Boy, yung bini-build-up na singer ni Kuya Germs na nakamaskara, na sumikat ng bahagya pero naunsyame ang career ng magpakita ng mukha.

Siguro sa isang yugto ng buhay mo narinig mo na sya, sa radio,sa tv,sa pampublikong sa sasakyan, sa beerhaws, bilyarang merong jukebox at sa mga call centers. Isa sa pinakamalaki nyang hit ay ang kantang “Napakasakit Kuya Eddie”, na theme song ng Kahapon Lamang ni Eddie Ilarde, (isa sa mga pioneer na payo-drama genre na pinaghugutan ng format ng MMK at Magpakailanman). Naghit noong dekada 80’s sa kasagsagan ng OFW Diaspora, ito’y nagkwewento ng isang mapait na karanasan ng isang amang nagtungo sa “mainit na syudad sa bansa ng Arabyano” upang “magbanat ng buto” at maiahon ang pamilya sa kahirapan, ngunit nagulantang ng makatanggap ng sulat sa anak na nagsabing “itay umuwi ka, dalian mo lang sana, si inay ay may-iba, nagtataksil sayo ama”. At nang paguwi nya, nadatnan nya na sabog ang kanyang anak, nadagdagan pa ng isa ang dalawa niyang anak at ang butihin nyang maybahay ay sumama sa kanyang kalaguyo at tinangay ang kanilang pera. Napakasakit talaga! At ang malupet pa dun, e nagamit nya pa ang salitang “Marijuana” sa isang pop song.Genius dipo ba?

Sa kanya naman naka-credit ang tagalong version ng “Baleleng”. (yung Bisaya e kay Max Surban, ang Gary V ng mga bisayang daku). May version din nito ang kumedyanteng Amboy na si Norman Mitchel na ganito ang lyrics; I have 2 hands Baleleng, the left and the right, hold them up high Baleleng so clean and bright, clap them softly Baleleng 123, clean little hands Baleleng are good to see. Natandaan ko na ginawa pa itong pelikula nuon, parang another version ng Dyesebel, ang sirena, na pinabidahan ng mistisang ex ni Goma na maikli ang buhok. (na nakalimutan ko ang pangalan, Patricia Borromeo ata). Ang kantang ito, bagamat isang seryosong ballad, marahil ang naging precursor ng isa ring hit na “Dayangdayang”, na isa namang ballad na panghataw.Di ako masyado sure dyan.

“Tutulungan kita” naman ang isa sa mga klasikong Jukebox Hit, at maihahanay sa mga malulupet na awiting “Walang Kaliwaan” ni Cristy Mendoza, “Bakit” ni Imelda Papin (simulat sapul mahal kita, nalalaman mo…), “Bakit ako Mahihiya” ni Didith Reyes, “Kung ang irog mo ay dalawa (palayain ang isa) (di ko alam kung sino kumanta), and the likes. Natataka nga ako kung bakit di ito kinakanta ng mga contestant na lalaki sa Pinoy Pop Superstar gayong hitik na hitik ito sa emosyon at pamatay ang korus na “Tutulungan kita malimot mo sya, ibabalik ang dati mong sigla, muling gagamutin puso mong sinugatan, sugat na dulot ng salawahan…malilimot mo sya, tutulungan kita”. Kung may theme song ang PCSO nuong araw, eto na yun.Tipong pangkawang-gawa talaga.

“Sa mata makikita” naman ay medyo folk/country ang areglo na laging pinapatugtog tuwing hapon sa FRC (folk,rock,country) sa DM 95.5 noong mga panahong wala pang Love Radio. Maituturing na ultimate “torpe song” ito kung pakikinggan ang lyrics: “Kailangan pa bang ako ay tanungin? Kailangan pa bang ito ay bigkasin? Na mahal kita, at wala ng iba, dyan mo makikita sa aking mga mata”. Pwede rin itong theme song ng mga mutaing may sore eyes. Naalala ko nun, me crush ako (naks) na nagpa-transcribe ng lyrics ng “On the wings of Love” mula sa tape nya. Nagawa ko naman kaya lang medyo bumaba ang pagtingin ko sa kanya dahil nasaktan ang “nyuweyb” pride ko. Nang ibigay ko ang kopya, buong lambing nyang tinanong kung me lyrics ba ako ng “Sa mata makikita” ? Astig. Jologs din pala.

Marami pa siyang naging hit sa koleksyong ito, gaya ng “Iniibig Kita”, “Iba ka sa lahat”, “Dalagang probinsiyana”, “Pinay sa Japan”, at ang kantang “Kahit ako ay pangit”, na di ko malilimutan dahil muntik na kaming magulpe dahil dyan. Minsan sa isang beerhaws sa Taguig, napadaan ang tropa. Saktong me Jukebox, kaya ako ay nagmagaling na magpatugtog. Pinili ko ang kantang ito para magpakwela. Akala ko ayaw gumana kaya paulit-ulit kong pinindot ang number. Naaliw naman ang crowd ng tumugtog na. Kaya lang, nagsimulang umasim ang mukha ng mga mamang tumador nang umulit ito. Sa kalagitnaan ng pangatlong ulit, isa-isa na kaming sumibat dahil umiinit na ang tingin sa paligid at nagpapatunog na sila ng kamao. Whew.

Sa ngayon,madalang mo nang marinig ang kanta nya. Sa isang thread nga sa isang internet forum, may naghahanap ng lyrics ng kanta nya dahil paborito daw nila yun, tapos sabay itatanong kung sino daw ang kumanta? Napaka-ironic kung iisipin. Huling balita ko, ayon sa tiyo kong chickboy, e nanalo daw si Roel Cortez sa lotto, kaya lang yung tiket e napunta sa isang kamag-anak nya. Nagkaroon daw ng pagtatalo na nauwi sa kanyang pagkakapaslang. Di ko alam kung may bahid ito ng katotohan o pawing kathang isip lamang ng tiyo ko na madalas ding nasa impluwensiya ng Tanduay. O kaya naman e me kakilala talaga siya na ang pangalan e Roel Cortez din at nangyari talaga ang insidente. Ilang lalaki ba sa talaan ng NBI ang may ganitong pangalan? Mahirap talaga ispelengin ang kapalaran. Naisip ko tuloy bigla, paano kung lahat ng mga nakakakilala talaga sayo ng tunay e namatay na, di parang di kana nag-exist nun? Oo nga’t nakalista ka sa NSO, pero wala nang makapagkwento kung ano at sino ka talaga. Na minsan sa isang yugto ng buhay mong parang pelikula, e hindi ka lang hamak na extra na nadaanan lang saglit ng camera. Na minsan, kahit paminsan-minsan lang, naging bida ka sa paningin nila. Ayos.


ADDENDUM: ang buhay nga naman, malaking kabalintunaan talaga. Pagkalipas ng ilang taon na naipost ko ito sa isa ko pang blog, e nakakatuwa naman na nagkaroon na ng http://roelcortez.blogspot.com/, gawa ng isang fan malamang at may kaunti nang impormasyon tungkol sa whereabouts nya. At ang mas cool pa dun, kung mapapansin ang write-up, me linya duon na direktang kinuha dun sa sinulat ko! Astig di po ba, ibig sabihin me nagbasa nung pagkahaba-habang -walang-kwentang gawa ko he he. Kung sino kaman, mabuhay ka at wag kalimutang magparami ng lahi! Ayos.


No comments: