skip to main |
skip to sidebar
vashti bunyan - just another diamond day
Oi man.Sa mga panahon na ito nasaisip ko ang mortality.Kung gaano kahaba o kaikli ang buhay.At kung paano bigla nalang puputulin ito na parang That’s entertainment sa ere pag lagpas na sa alloted time habang nasa gitna pa sila ng “pila-pila production number”, interpretative dance ng hits ni Julie Andrews o nagsisingit pa ng pagbati sa mga kaibigan at sponsor tulad ng Hammerhead Jeans, Bizarre shirts, Kimbo Shoes,Zenco Footsteps, Manels bag, Seiko Wallet,Soen,Cora Doloroso Career Center , Caronia Beauty products,Pagoda Cold Wave Lotion,Michael Styling Gel, Bellestar Promotions,Likas Papaya herbal soap,Kankunis, at Clox at Daz dishwashing paste. At kung paano matitira na lang ay ang ibat-ibang bersyon ng ala-ala sa ibat-ibang taong nakapanood ng araw na yon. Minsan yung iba nadaanan lang ng remote at nasilip lang ng bahagya, yung iba naman marami nang nangyari kaya natabunan na o kaya naitapon na sa tambakan ng walang kwentang ala-ala. Habang yung mga nanuod talaga nung araw na iyon ay pilit na hinahawakan ang mga piraso na unti-unting humuhulas sa paglipas ng mga taon. Ilan kaya sa mga nakilala mo sa buong buhay mo ang tunay na maa-alala ka? Matatandaan ang mga malilit na tagpo, mga ginawa mo o hindi mo ginawa para sa kanila o kahit na yung mga facial expressions lang,tawa,ngiti, ngiwi, o simangot. Kung tatanungin sila ngayon, may maalala ba sila?Nang mapakinggan ko ang album na Just Another Diamond Day ni Vashti Bunyan, di ko mapigilang malungkot kasabay ng saya. Masaya dahil ang mga kanta nya dito, na maituturing na Psychedelic na Folk, ay minsan parang mga nursery rhymes at pampatulog ng mga bata.Katunayan ang kantang “Lily Pond” ay katono ng Twinkle twinkle little star, “Timothy Grub” ay parang Abcd at ang “Jog Along Bess” ay parang kanta sa laro.Dagdag mo pa ang boses nya na kung pumikit ka ay parang yung boses ng nanay mo na hinehele ka nung baby ka pa.Yung iba siguro maihahalintulad yon kay Marianne Faithful, na kung di ako nagkakamali ay naging related minsan kay Mick Jagger ng bandang Rolling Stones. Sa katunayan, hindi rin nalalayo sa bandang ito ang kwento ni Vashti Bunyan.Ayon sa kwento, pagkatapos nyang lumagpak sa Art school dahil sa madalas na pagliban, nakilala sya ng producer ng Rolling Stone na si Andrew Loog Oldham at binalak syang gawing isang pop singer at nirecord nya ang awit na sinulat ni Mick Jagger at Keith Richards “Some things just stick in your mind” noong 1965.Di naging madali ang pagtanggap sa kanya at ang ibang mga nairecord nya ay di nga halos na-irelease dahi di naman talaga sya pang Pinoy Dream Academy material. Sa badtrip, bumili sya ng karwahe at kabayo, bumiyahe siya patungong Isle of Skye sa isang commune na itinayo ng tanyag na folk psychedelic singer na si Donovan, na nagpasikat ng kantang “Sunshine Superman”. (Sya rin ang tatay ng artistang si Ione Skye, na sumikat sa pelikulang “Say Anything”, kasama ng poging si John Kusack).At doon sa paglalakbay na iyon ay nagsimula siyang magsulat ng mga kantang bumuo sa debut album nya na “Just Another Diamond Day”. At sa tulong ng folk producer na si Joe Boyd at mga musikerong galing sa bandang Fairport Convention, Incredible String Band at arranger ng superlupet na si Nick Drake, nailabas ito noong 1970.Ngunit di ito naging mapalad, at naibaon kasama ng mga alikabok at si Vashti ay naglaho sa mata ng madla ng parang bula. Lumipas ang taon, naging alamat ang album na ito sa mga kolektor at mahilig sa tunay na musika.At sa tulong ng mga kasalukuyang musikerong naimpluwensyahan nya gaya ni Devendra Banhart,Joanna Newsom at ng bandang Piano Magic at Animal Collective, naibalik sa kamalayan ang alamat nya at nang 2001 inire-release ang album na ito, kasama ang iba pa nyang kanta. Naging maugong ang pagbabalik nya.Nang tumugtog sya sa Bowery ballroom ay halos napapaiyak pa siya sa hiya habang inaawit niya ang mga obra nya noong 19 pa lang siya. At pagkatapos ng 36 years nabuo ang pangalawa nyang album na “Lookaftering” noong 2005. Sabi ng isang writer ng Magnet magazine tungkol sa pangalawa nyang album, ” If it takes another 36 years for something so sublime, then I’ll wait another 36 years”.Mga awit na tungkol sa innocence, sa pagkabatang nawawala,pag-ibig at pag-iisa,mga panahon,mga puno, dahon, bundok,pagdating at pag-lisan,at pagpapatuloy sa araw-araw sa saliw ng payak na gitara, konting strings, flute at tinig oyayi.Napakalungkot ngunit napakapayapa.Mga awit na pampagpag sa maalikabok na ala-ala ng isang pangkaraniwang sukat ng buhay. Ayos.
No comments:
Post a Comment